Showing posts with label Ang Mga Huling Wika ni Jesus sa Krus (Tagalog). Show all posts
Showing posts with label Ang Mga Huling Wika ni Jesus sa Krus (Tagalog). Show all posts

“Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.” (Lucas 23:43)

 

Sa kabila ng mga problema at pasakit na ating nararanasan sa mundong ito, wala na siguro tayo hihilingin pa kundi ang maranasan ang paraiso pagkatapos ng lahat ng ito. Sa lahat-lahat ng ito, hindi ba mas lalong ninanais natin ang kaayusan? Ang kaginhawaan? Ang kapayapaan? Ang ganap at kasiya-siyang buhay para sa lahat?

Ngunit hindi madaling makapunta agad sa ganoong bahagi ng ating buhay. Walang nakapupunta ng paraiso agad ng hindi dumadaan sa hirap at sakit. Pero sa mga simpleng bagay, pwedeng maranasan natin ang mala-paraisong damdamin. Ang mga ina, sa tuwing dumaranas ng hirap sa kanilang panganganak, walang kasing saya sa kanila marinig ang iyak ng bagong silang nilang sanggol. Sa tuwing tayo ay dumaranas ng matinding sakit, walang kasing saya ang makaranas ng pagmamalasakit at kagalingan. Sa tuwing makikipag-buno tayo sa ating pang araw-araw na trabaho, walang kasing saya ang magkaroon ng laman ang ating sikmura o kaya ng maginhawang buhay. Sa tuwing nakararanas tayo ng kalituhan at masidhing kalungkutan sa mga nangyayari sa ating buhay, walang kasing saya ang makahanap ng masasandalan at maiiyakan na balikat.

Ganito din marahil ang naranasan ng isang kriminal na kasama ni Jesus na nakabayubay din sa krus... Nang nakiusap siya kay Jesus -- “… alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” (Lk. 23:42) -- walang kasing saya din marahil ang naramdaman niya nang marinig ang katiyakan mula kay Jesus (tal. 43), 
“Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Nakita marahil ng kriminal na iyon ang pagmamahal ni Jesus sa mga taong kumukutya sa kanya. Nakita niya ang hindi maabot na lalim at lawak ng pag-ibig ng Diyos. Dahil dito, may pagbabago siyang na nakamit sa kanyang buhay. Sa gitna ng kamatayan, nakalaya siya sa tanikala ng kahihiyan sa piling ni Jesus dahil sa kanyang pag-amin sa sariling kamalian at paghingi ng awa. Marahil kaya pa niyang indahin ang hirap sa pagkakabayubay ng mas matagal dahil naranasan na niya ang kapatawaran na kanyang inaasam.

Sa pangyayaring ito ipinapakita kung paano ang nakapanghihimok at sumasaklaw na grasya ng Diyos ay nagpabago sa buhay ng isang taong nahusgahan ng lipunan bilang isang halang ang kaluluwa, walang pag-asang magbago, at patuloy na binabagabag sa kanyang nakalipas na kamalian. Kung nagawang patawarin ni Jesus ang ganitong tao, bakit tayo hindi? Pinapakita lamang din ng pangyayari na ito ang realidad ng ating lipunan kung gaano kabaluktot at hindi patas ang sistema ng ating hustisya, na imbis na nagliligtas ay mas nanghahamak at pumapatay. May mga taong nga na bagamat nakakulong sa bilanguan, nakamit na ang kalayaan mula sa Diyos. Pero maraming tao ang nasa labas ng kulungan, na tila malaya, pero patuloy na inaailipin ng kanilang sariling kasalanan.

Malinaw ang mensahe ng wika na ito ni Jesus – ang pag-ibig ng Diyos ay laging BUKAS at TUMATANGGAP. Hindi NANGHUHUSGA at MAPANGHUSGA. Laging nagbibigay ng PAG-ASA at KAPAYAPAAN. Kung tayo nga ay tunay na tagasunod ni Cristo, bakit tila kabaliktaran ang ating ginagawa sa pagpapahayag ng kaligtasan? Imbis na pag-ibig, panghuhusga? Imbis na pag-asa, pananakot? Kung tunay tayong tagasunod ni Cristo, nawa’y ipakita natin ang pag-ibig ng Diyos na nagliligtas sa kung paano ito pinakita ni Jesu Cristo. Nang sa ganoon ay maari nating maranasan ang paraiso dito sa lupa, gaya ng sa langit.

“Ama ko, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34)


Si Lucas, sa kanyang isinulat na ebanghelyo, ay gumamit ng sapat na pagsasalarawan sa kung gaano kabuti at maawain ang Diyos.  Matingkad ito sa mga talinhaga tulad ng: “Mabuting Samaritano (10:30-37),” “Mabuting Pastol (15:4-6),” at “Mabuting Ama ng Maalibughang Anak (15:20-32).”  Kung kaya’t maging sa pagsasalaysay sa pagpapakasakit ni Jesus sa kalbaryo, makikita pa din ang larawan ng isang mabuti at mahabaging Diyos sa gitna ng nakapanlulumong sitwasyon.

Wika ni Jesus (Lk. 23:34), “Ama ko, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”  Sa mga wika na ito ni Jesus, ipinapakita kung gaano kalawak ang kanyang pang-unawa, habag, at pagmamahal sa atin.  Pagkatapos ng lahat ng sakit at pangungutya na natanggap niya mula sa mga taong nasa ibaba, tumingala siya sa langit at nakiusap pa rin sa kanyang Ama ng pang-unawa at pagpapatawad sa mga taong iyon na mapagmataas.

Kabaligtaran ito sa ugali at gawi nating mga tao.  Madalas ay hindi tayo marunong umako sa ating mga pagkakamali o pagkukulang.  Kung hindi magbigay ng maraming dahilan para pagtakpan ang kasalanan ay ibinabaling naman natin sa iba ang sisi.  Sa kabilang banda, may mga taong lunod naman sa lebel ng kanilang moralidad na panghuhusga at pangungutya naman ang ibinabato sa mga taong nagkakamali.  Ngunit sa mga wika na ito ni Jesus, iniaakay niya tayo na umunawa, mahabag, magparaya, at magpatawad.

Hindi nga ba alam ng mga taong nagsakdal at humusga kay Jesus ng kamatayan ang kanilang mga ginagawa?  Hindi nga ba nila alam na mali ang paratang nila kay Jesus bilang isang kriminal at kaaway ng Emperyo?  Hindi ba’t mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon sila – mga dalubhasa sa Batas ni Moises at sa Aklat ng mga Propeta?  Bakit hindi nila nalaman na si Jesus na nga ang Cristo, ang ipinangakong Mesias?

Sa tuwing tayo ay nagpapatangay sa takbo ng maling sistemang umiiral sa ating lipunan; sa tuwing pinaiiral natin ang ating makasariling kagustuhan; sa tuwing pinagtitiwalaan natin ng higit ang ating sariling dunong at itinakdang moralidad – tayo’y nagiging bulag at mangmang lamang sa harapan ng Diyos.  Hindi natin namamalayan, mahuhulog na pala tayo sa bangin ng kasalanan.

Subalit ang Diyos ay malawak ang pang-unawa, kahabagan, at pag-ibig.  Bago pa man tayo makapagtanto sa ating mga pagkakamali at pagmamataas, inunat na Niya ang kanyang mga braso at kamay upang buong puso tayong tanggapin muli at patawarin.  

The cross is scandalous as how it exposes the guilt of the criminals and becomes a symbol of death in the Roman Empire.  But God’s grace through Jesus Christ is more scandalous that it forgives and openly welcomes even the sinners like you and me.

Sa wikang ito ni Jesus, tayo’y inaanyayahan niyang muli na dumulog sa paanan ng krus kung saan tumigib ang kanyang banal na dugo.  Upang magsisi sa mga kasalanan, magpakumbaba sa Diyos, magsuri sa sarili, magpatawad sa mga nagkasala, umiwas sa pagmamataas, at humiling ng tulong sa pagpapanibagong buhay.  Nawa, tanggapin natin ang wagas na pagpapatawad ng Panginoon.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46; Marcos 15:34)


Marami sa atin, tuwing nakakaranas ng problema o kapighatian – ang madalas na tanong sa Diyos ay, “Bakit ko kailangan maranasan ito?”  Pakatapos nilang magpakabuti o gumawa ng mga nararapat na mga bagay na nakapagbibigay ng kaluguran sa Diyos para bang ang kaunting kabutihan nila ay dapat na maging exemption ticket nila sa hirap at kapighatian.

Ngunit ang mga ganitong tanong ay nawawalan ng saysay kung ating titignan ang dinanas na pighati at hirap ni Jesus sa krus.  Bagamat tinupad niya ang nais ng Diyos na itinuturing niyang “Amang nasa langit,” hindi siya naging ligtas sa pagranas ng hirap at pighati.

Isa nga sa mga naging wika ni Jesus sa krus na naglalarawan ng kanyang malalim na karanasan sa kapighatian ay ang mga salitang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” “Eli, Eli, lema sabachthani?” (Mt. 27:46; Mk. 15:34).

Ang mga wika sa panaghoy na ito ni Jesus ay makikita rin sa kathang awit ni David (Awit 22:1).  Naglalaman ang awiting panaghoy ng matinding emosyon ng kapighatian na nagnanais ng tulong mula sa Diyos.  Ang makaranas ng pisikal na sakit ay sapat na sana sa upang pasanin ang hirap, ngunit ang maranasan na iwanan o pabayaan sa gitna ng kapighatian ay dagdag sakit sa nararamdaman ni Jesus.  Ang dating tinatawag niyang “Ama” ay tinawag niyang “Diyos” na para bang may nagbago sa relasyon nilang dalawa.

Sa gitna ng hirap at pighati, unti-unti niyang naranasan din ang paglayo ng kanyang malalapit na alagad na tinuring na niyang mga kaibigan. Sa puntong siya’y nakabayubay sa krus, para bang naramdaman niya rin ang pagtalikod sa kanya ng Diyos na siya na lamang pinagkakapitan ng pag-asa.

Ang wikang ito ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng mensahe na maging ang Panginoon ay nakaranas ng sakit at pighati.  Ang wikang ito ni Jesus ay nagsasabi sa atin na ang Diyos ay nakakaunawa at nakakaramdam sa ating nararanasang sakit at kapighatian.  Ang wikang ito ni Jesus ay nagdadala ng damdamin nating mga tao na nakaranas at nakakaranas din ng kapighatian at kawalan ng pag-asa patungo sa Diyos.

Walang makakaiwas sa kapighatian, sapagkat bahagi ‘yan ng buhay dito sa masalimuot at madilim na mundo.  Ngunit ang Diyos ay nakakaunawa, nakakakita, nakakarinig, nakakaramdam – ng ating mga pagluha, pag-iyak, pagdaing, pagreklamo, at pagsigaw ng kapighatian.  Sa ating masalimuot at magulong mundo, may Diyos tayong mapagkakapitan ng pag-asa at makakaasa ng tulong.

At kung ating susundan ang awit ng pighati na winika ni Jesus, makikita natin ang pag-asang natamo ng naghihirap na alagad, “Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.” (Awit 22:22).  Sa dulo ng awit (talata 31), binibigyan tayo ng kasiguraduhan na ang Diyos ay hindi natutulog at Siya’y magliligtas – “Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan, ‘Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.’”

The Phenomenon of “Pagsabit sa Jeepney” as an Image of Filipinos' Faith

I. Introduction             In the Philippines, jeepney is dubbed as “King of the Road”.   Jeepney, for Filipinos, is a symbol of Filipino...