Marami sa atin, tuwing nakakaranas ng problema o kapighatian – ang madalas na tanong sa Diyos ay, “Bakit ko kailangan maranasan ito?” Pakatapos nilang magpakabuti o gumawa ng mga nararapat na mga bagay na nakapagbibigay ng kaluguran sa Diyos para bang ang kaunting kabutihan nila ay dapat na maging exemption ticket nila sa hirap at kapighatian.
Ngunit ang mga ganitong tanong ay nawawalan ng saysay kung ating titignan ang dinanas na pighati at hirap ni Jesus sa krus. Bagamat tinupad niya ang nais ng Diyos na itinuturing niyang “Amang nasa langit,” hindi siya naging ligtas sa pagranas ng hirap at pighati.
Isa nga sa mga naging wika ni Jesus sa krus na naglalarawan ng kanyang malalim na karanasan sa kapighatian ay ang mga salitang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” “Eli, Eli, lema sabachthani?” (Mt. 27:46; Mk. 15:34).
Ang mga wika sa panaghoy na ito ni Jesus ay makikita rin sa kathang awit ni David (Awit 22:1). Naglalaman ang awiting panaghoy ng matinding emosyon ng kapighatian na nagnanais ng tulong mula sa Diyos. Ang makaranas ng pisikal na sakit ay sapat na sana sa upang pasanin ang hirap, ngunit ang maranasan na iwanan o pabayaan sa gitna ng kapighatian ay dagdag sakit sa nararamdaman ni Jesus. Ang dating tinatawag niyang “Ama” ay tinawag niyang “Diyos” na para bang may nagbago sa relasyon nilang dalawa.
Sa gitna ng hirap at pighati, unti-unti niyang naranasan din ang paglayo ng kanyang malalapit na alagad na tinuring na niyang mga kaibigan. Sa puntong siya’y nakabayubay sa krus, para bang naramdaman niya rin ang pagtalikod sa kanya ng Diyos na siya na lamang pinagkakapitan ng pag-asa.
Ang wikang ito ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng mensahe na maging ang Panginoon ay nakaranas ng sakit at pighati. Ang wikang ito ni Jesus ay nagsasabi sa atin na ang Diyos ay nakakaunawa at nakakaramdam sa ating nararanasang sakit at kapighatian. Ang wikang ito ni Jesus ay nagdadala ng damdamin nating mga tao na nakaranas at nakakaranas din ng kapighatian at kawalan ng pag-asa patungo sa Diyos.
Walang makakaiwas sa kapighatian, sapagkat bahagi ‘yan ng buhay dito sa masalimuot at madilim na mundo. Ngunit ang Diyos ay nakakaunawa, nakakakita, nakakarinig, nakakaramdam – ng ating mga pagluha, pag-iyak, pagdaing, pagreklamo, at pagsigaw ng kapighatian. Sa ating masalimuot at magulong mundo, may Diyos tayong mapagkakapitan ng pag-asa at makakaasa ng tulong.
At kung ating susundan ang awit ng pighati na winika ni Jesus, makikita natin ang pag-asang natamo ng naghihirap na alagad, “Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.” (Awit 22:22). Sa dulo ng awit (talata 31), binibigyan tayo ng kasiguraduhan na ang Diyos ay hindi natutulog at Siya’y magliligtas – “Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan, ‘Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.’”
No comments:
Post a Comment