Si Lucas, sa kanyang isinulat na ebanghelyo, ay gumamit ng sapat na pagsasalarawan sa kung gaano kabuti at maawain ang Diyos. Matingkad ito sa mga talinhaga tulad ng: “Mabuting Samaritano (10:30-37),” “Mabuting Pastol (15:4-6),” at “Mabuting Ama ng Maalibughang Anak (15:20-32).” Kung kaya’t maging sa pagsasalaysay sa pagpapakasakit ni Jesus sa kalbaryo, makikita pa din ang larawan ng isang mabuti at mahabaging Diyos sa gitna ng nakapanlulumong sitwasyon.
Wika ni Jesus (Lk. 23:34), “Ama ko, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Sa mga wika na ito ni Jesus, ipinapakita kung gaano kalawak ang kanyang pang-unawa, habag, at pagmamahal sa atin. Pagkatapos ng lahat ng sakit at pangungutya na natanggap niya mula sa mga taong nasa ibaba, tumingala siya sa langit at nakiusap pa rin sa kanyang Ama ng pang-unawa at pagpapatawad sa mga taong iyon na mapagmataas.
Kabaligtaran ito sa ugali at gawi nating mga tao. Madalas ay hindi tayo marunong umako sa ating mga pagkakamali o pagkukulang. Kung hindi magbigay ng maraming dahilan para pagtakpan ang kasalanan ay ibinabaling naman natin sa iba ang sisi. Sa kabilang banda, may mga taong lunod naman sa lebel ng kanilang moralidad na panghuhusga at pangungutya naman ang ibinabato sa mga taong nagkakamali. Ngunit sa mga wika na ito ni Jesus, iniaakay niya tayo na umunawa, mahabag, magparaya, at magpatawad.
Hindi nga ba alam ng mga taong nagsakdal at humusga kay Jesus ng kamatayan ang kanilang mga ginagawa? Hindi nga ba nila alam na mali ang paratang nila kay Jesus bilang isang kriminal at kaaway ng Emperyo? Hindi ba’t mga Pariseo at mga pinuno ng relihiyon sila – mga dalubhasa sa Batas ni Moises at sa Aklat ng mga Propeta? Bakit hindi nila nalaman na si Jesus na nga ang Cristo, ang ipinangakong Mesias?
Sa tuwing tayo ay nagpapatangay sa takbo ng maling sistemang umiiral sa ating lipunan; sa tuwing pinaiiral natin ang ating makasariling kagustuhan; sa tuwing pinagtitiwalaan natin ng higit ang ating sariling dunong at itinakdang moralidad – tayo’y nagiging bulag at mangmang lamang sa harapan ng Diyos. Hindi natin namamalayan, mahuhulog na pala tayo sa bangin ng kasalanan.
Subalit ang Diyos ay malawak ang pang-unawa, kahabagan, at pag-ibig. Bago pa man tayo makapagtanto sa ating mga pagkakamali at pagmamataas, inunat na Niya ang kanyang mga braso at kamay upang buong puso tayong tanggapin muli at patawarin.
The cross is scandalous as how it exposes the guilt of the criminals and becomes a symbol of death in the Roman Empire. But God’s grace through Jesus Christ is more scandalous that it forgives and openly welcomes even the sinners like you and me.
Sa wikang ito ni Jesus, tayo’y inaanyayahan niyang muli na dumulog sa paanan ng krus kung saan tumigib ang kanyang banal na dugo. Upang magsisi sa mga kasalanan, magpakumbaba sa Diyos, magsuri sa sarili, magpatawad sa mga nagkasala, umiwas sa pagmamataas, at humiling ng tulong sa pagpapanibagong buhay. Nawa, tanggapin natin ang wagas na pagpapatawad ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment