Sa kabila ng mga problema at pasakit na ating nararanasan sa mundong ito, wala na siguro tayo hihilingin pa kundi ang maranasan ang paraiso pagkatapos ng lahat ng ito. Sa lahat-lahat ng ito, hindi ba mas lalong ninanais natin ang kaayusan? Ang kaginhawaan? Ang kapayapaan? Ang ganap at kasiya-siyang buhay para sa lahat?
Ngunit hindi madaling makapunta agad sa ganoong bahagi ng ating buhay. Walang nakapupunta ng paraiso agad ng hindi dumadaan sa hirap at sakit. Pero sa mga simpleng bagay, pwedeng maranasan natin ang mala-paraisong damdamin. Ang mga ina, sa tuwing dumaranas ng hirap sa kanilang panganganak, walang kasing saya sa kanila marinig ang iyak ng bagong silang nilang sanggol. Sa tuwing tayo ay dumaranas ng matinding sakit, walang kasing saya ang makaranas ng pagmamalasakit at kagalingan. Sa tuwing makikipag-buno tayo sa ating pang araw-araw na trabaho, walang kasing saya ang magkaroon ng laman ang ating sikmura o kaya ng maginhawang buhay. Sa tuwing nakararanas tayo ng kalituhan at masidhing kalungkutan sa mga nangyayari sa ating buhay, walang kasing saya ang makahanap ng masasandalan at maiiyakan na balikat.
Ganito din marahil ang naranasan ng isang kriminal na kasama ni Jesus na nakabayubay din sa krus... Nang nakiusap siya kay Jesus -- “… alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” (Lk. 23:42) -- walang kasing saya din marahil ang naramdaman niya nang marinig ang katiyakan mula kay Jesus (tal. 43),
“Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Nakita marahil ng kriminal na iyon ang pagmamahal ni Jesus sa mga taong kumukutya sa kanya. Nakita niya ang hindi maabot na lalim at lawak ng pag-ibig ng Diyos. Dahil dito, may pagbabago siyang na nakamit sa kanyang buhay. Sa gitna ng kamatayan, nakalaya siya sa tanikala ng kahihiyan sa piling ni Jesus dahil sa kanyang pag-amin sa sariling kamalian at paghingi ng awa. Marahil kaya pa niyang indahin ang hirap sa pagkakabayubay ng mas matagal dahil naranasan na niya ang kapatawaran na kanyang inaasam.
Sa pangyayaring ito ipinapakita kung paano ang nakapanghihimok at sumasaklaw na grasya ng Diyos ay nagpabago sa buhay ng isang taong nahusgahan ng lipunan bilang isang halang ang kaluluwa, walang pag-asang magbago, at patuloy na binabagabag sa kanyang nakalipas na kamalian. Kung nagawang patawarin ni Jesus ang ganitong tao, bakit tayo hindi? Pinapakita lamang din ng pangyayari na ito ang realidad ng ating lipunan kung gaano kabaluktot at hindi patas ang sistema ng ating hustisya, na imbis na nagliligtas ay mas nanghahamak at pumapatay. May mga taong nga na bagamat nakakulong sa bilanguan, nakamit na ang kalayaan mula sa Diyos. Pero maraming tao ang nasa labas ng kulungan, na tila malaya, pero patuloy na inaailipin ng kanilang sariling kasalanan.
Malinaw ang mensahe ng wika na ito ni Jesus – ang pag-ibig ng Diyos ay laging BUKAS at TUMATANGGAP. Hindi NANGHUHUSGA at MAPANGHUSGA. Laging nagbibigay ng PAG-ASA at KAPAYAPAAN. Kung tayo nga ay tunay na tagasunod ni Cristo, bakit tila kabaliktaran ang ating ginagawa sa pagpapahayag ng kaligtasan? Imbis na pag-ibig, panghuhusga? Imbis na pag-asa, pananakot? Kung tunay tayong tagasunod ni Cristo, nawa’y ipakita natin ang pag-ibig ng Diyos na nagliligtas sa kung paano ito pinakita ni Jesu Cristo. Nang sa ganoon ay maari nating maranasan ang paraiso dito sa lupa, gaya ng sa langit.
No comments:
Post a Comment